Kung Papalarin Ka

Kung papalarin ka
Makikita mo siya
Mamayang gabi.
Maghintay ka sa lilim
Ng puno ng akasya.
Itaon mong papalitaw
Ang unang bituin
At malapit nang pumatak
Ang unang natuyong dahon
Ng pinakamahabang sanga
Ng puno ng akasya.
Kapag handa na,
Ipinid ang iyong mata,
Bantayan mo ang hihip
Ng mainit-init na hangin.
Maaring iyon na
Ang kanyang hininga.
Huwag kang mumulat.
Hintayin mong lumamig
Ang hihip ng hangin
Hanggang mamasa-masa na
Ang talukap ng iyong mata,
Hayaan mong antukin ka
At maidlip nang bahagya,
O mahimbing kaya.
Gigisingin ka na lamang
Ng dampi ng kanyang labi
Sa nanunuyo mong labi.
At kukunin niya
Ang iyong mga kamay.
Isasama ka niya
Sa pinakamahabang sanga
Ng puno ng akasya,
At pipitasin ninyo
Ang unang natuyong dahon
Na hindi pa pumapatak,
At ihahandog ninyo ito
Sa unang bituin
Na malapit nang lumitaw,
Kung papalarin ka
Mamayang gabi.
[ni ROFEL G. BRION]
Used with permission
Copyright © 1989 Rofel G. Brion

1 Comments:
mahusay madamdamin :)
it's me,
lws
Post a Comment
<< Home